9th BDM 102KM Ultramarathon – Pasasalamat

16299075_1608881142461465_2258062636117388579_n

Mandatory hug sa RD      ©Rosalia Castro

Sa Panginoon na walang humpay na nagbibigay ng biyaya at lakas ng pangangatawan at isipan. Maraming salamat po.

Kay Clark at kanyang Nanay na parating nagsisilbing paalala na masarap magmahal at mabuhay. Na parating gising kahit gabi na nakauuwi ang papa dahil sumundot pa ng ensayo. Maraming salamat sa pang-unawa, pag-aasikaso ng pagkain at pagmamahal.

Kay mama at papa at sa dalwang kapatid na minsan lang nakikita at hindi alam na nakatakbo na ako ng 102km, maraming salamat.

Sa aking solidong support, Mam Ceejhay, Mam Nora, Mam Josephine, Sir Jun, Cardel at Ariel, maraming salamat sa pag-aalaga at pag-aasikaso ng mga pangangailangan ko habang tumatakbo. Kahit napuno ng aberya hindi pa rin bumibitaw.

Kay mam Dada, Mam Liza at Sir Arri na humalili at sumalo sa akin noong nagkaaberya, maraming salamat.

Kay Eduard at sa buong EGG, maraming sa tulong at suporta.

Kina sir Francis, sir IronDel, sir Ravi, sir John, sir Noy at sir Dinoji na madalas nakakasama sa takbo sa Filinvest, maraming salamat.

Sa mga gwardiya ng Filinvest na parating nagpapaalala na masyado nang tanghali o malalim na ang gabi, maraming salamat mga sir.

Sa buong Snail Runners Alabang na gumagabay sa amin tuwing Martes at Huwebes. Maraming salamat sa paghubog sa aming nangangarap lumakas sa larangan ng takbo. Pati na rin sa walang humpay na kainan sa tuwing natatapos ang ensayo.

Kay Doc Ronel, maraming salamat.

Kay Ms. Maui, coach Bob at Jessa, maraming salamat.

Sa mga Kapeng Barako, Sir Sherwin, Brod Jay (Jeff), Mark Partoza, Sir Ariane, Sir JP, Sir iDolp, sir Reinell, Sir Byron, Sir Rhonan at Sir Adel, maraming salamat.

Kina insan Hailey, insan Xian at Marvin ng Team MAPAGMAHAL na hiyang na hiyang sa kanya-kanyang pag-ibig, maraming salamat.

Kay bayaw Amor (Boy Takbo) sa paalala at dasal, maraming salamat.

Kay Cath at bai Sepjo na gwapong-gwapo, maraming salamat.

Kina Klasmeyts Jeff, Voltron, Jane, Annie, Tina, Noly, Elmar, Xian, Loyce, Mhiko at Alex, maraming salamat.

Sa Vikini Sandals ni Voltron, bili na kayo.

Sa support ng PAR, sa pangunguna ni brader Gene Nido, maraming salamat.

Sa support ng Takbo Kabitenyo, salamat mga sir.

Sa lahat ng support na nagcheer at mapagbigay sa lahat ng mga runners, maraming salamat sa inyo.

Sa lahat ng mga runners na nakakasalamuha sa kalsada, maraming salamat.

Sa lahat ng bumubuo ng PAU, maraming salamat po sa inyo.

Pinakahuli sa lahat, sa baliw na sumalo ng pangtuition, sir Ariane! Ikaw ang may kasalanan sa lahat ng ‘to. Ang dami ng binanggit ko dyan sa itaas. Ang dami ng taong naistorbo ko dahil sa ‘yo. hahahaha biro lang. Maraming salamat sir. Huwag muna nating pag-usapan ang 160km ha. Ayoko na muna.

1st Mt. Marami – Silyang Bato 21KM FKT Trail Run Challenge – Ang Naranasan

Tunay ngang nakapagpapakumbaba ang kabundukan. Pero higit ang nagagawa ng mga daanan patungo at paalis ng kabundukan. Pinalawak nang maraming beses ng Mt. Marami ang aking isipan.

Kulimlim ng gabi at ng maiitim na ulap ang pilit yumayapos sa mga mapanglaw na ilaw ng mga poste sa kahabaan ng Alabang-Zapote  Road nang ako’y umalis ng bahay. Kagigising ko lang din noon kaya kamuntik nang bumigay sa pilit na pang-aakit ng kulimlim ng panahon at gabi ang aking paningin at pandama habang ako’y naglalakad patungong 711 – Ang napag-usapang tagpuan at kitaan namin nila sir Francis, Sir Ravi at sir Jay-ar. Nang-uudyok pa sa matinding katamaran ang lamig ng marahang simoy ng hangin. Napak bigat ng aking bawat hakbang kaya hindi katakatakang nahuli ako ng sampung minuto sa orihinal na usapang eksaktong ika siyam ng gabi. Napagkasunduan namin na ganung oras kami aalis upang hindi maubusan ng espasyo ng paradahan ng sasakyan. Sa Brgy. Talipusngo na namin balak magpalipas ng gabi nang di gaanong maabala. Bago pa man kami makarating sa lugar, bakas na sa daanan ang katatapos lamang ng ulan at umaambon-ambon pa nang kaunti.

Pagdating namin sa Brgy. Talipusngo, may mangilan-ngilan na ring runners ang naroroon. May karamihan na rin ang sasakyan pero nakahanap kami ng paradahan malapit lang sa tanggapan ng baranggay. Bago pa man namin maitayo ang aming tent ay bumuhos ang malakas na ulan. Hinintay muna naming tumila ito bago sinimulan muli ang pagtatayo ng tulugan. Nag maitayo na ang tulugan, kaunting kwentuhan muna bago tuluyang humimbing. Saglit na saglit lang naidlip kaagad ako dala ng lamig ng basang mga damo dahil sa ulan. Hindi naman gaanong kalaliman ang pagtulog kaya agad akong nagising nang bumuhos ulit ang malakas na ulan. Sa tantya ko, nasa kulang-kulang apat na minuto siguro ang itinagal ng ulan. Maya-maya pa may gumagapang na na malamig sa ilalim ng aking hinihigaan. Mas malamig ito kumpara noong una kong higa. Nabasa na ang manggas ng aking damit kaya bumangon ako, nagpalit ng damit at inaayos ang hingaan. Hindi na ulit ako dinalaw ng antok. Pagtingin ko sa orasan, 1:30 a.m. palang kaya nagpasya akong i-claim nalang muna ang aking race kit. Naglakad-lakad kaunti at muling inihiga ang katawan hanggang sa ako’y muling dinalaw ng antok.

4:00 A.M.

Nagising ako dahil sa tawanan at kwentuhan ng mga runners. Nag-ayos na ako ng sarili at saka lumabas ng tent.

4:30 A.M.

Nagtipon-tipon na ang mga first wave runners ng 21k para sa race briefing. Pero sumama na rin kaming Wave B at Wave C dahil sampung minuto lang ang pagitan ng take off. Nag-uumpisa na akong kabahan pero naibsan nang kaunti dahil sa mga kakilalang nakita at nakausap. Lalong nawala ang kaba at pangamba nang (maalala ko ang kilig nang nakausap ko si Ma’am Twila, iba eh) mahimok kong magpaa si Doug at Timo. Noong una kasi kaming dalawa lang ni Mervin ang naglalakas-loob. Nag-uunat-unat ng kalamnan muna baka magkabiglaan.

5:00 A.M.

Nagtake-off na ang first wave ng 21km runners. Wala nang kaba, napalitan ng excitement. Pinapunta na kaagad sa starting line ang lahat ng Wave B runners.  Nakausap ko si sir Jeff ng Snail Runners Alabang at si Sir Ravi, dalawa sa mga kakilala kong mamaw pagdating sa trail. Sabi ko, sayang at nasa wave b sila. Baka makasungkit pa ng pwesto kung na sa wave A sila pumwesto. Pasyal-pasyal lang naman daw kaya ok lang.

5:10 A.M.

Pinakawalan na kaming mga Wave B runners ng 21km. Dahan-lang lang. Dinadama ko yung talas ng aspalto ng first 500 meters na road. Parang kalsada sa Macapagal Blvd. sa MOA. Ay hindi, medyo malala nang kaunti. Nakita ko si sir Ravi humarurot na. Binilisan ko nang kaunti. Hanggang sa umabot sa unang right turn. Umpisa na ng off road. Naabutan ko yung karamihan sa mga runners dahil matindi na kaagad ang putik at may mangilan-ngilang matubig na bahagi. Sa gitna na ako dumaan dahil madulas kung susundan ko ang dinaanan ng karamihan. Mahina kasi ang kapit ng talampakan. Pagdating sa mabatong bahagi nilakad ko nalang dahil sa dulas. Unti-unti ko nang naabutan ang mga naunang runners. May nakikita akong bumabaon ang mga sapatos at naiiwan dahil sa lalim ng putik. Advantage sa akin. Hindi ko inaalala masyado. Ang inaalala ko lang ay ang dulas. Kaya pino at kalkulado ang bawat hakbang. Hanggang marating ko ang AS1. Kain at inom muna, pahinga kaunti at muling hataw. Padulas nang padulas ang bawat daanan. Napakahirap sa akin ang mga bahaging pababa kaya nilalakad ko nalang ulit. Bumabawi nalang ako kapag paakyat. Buti nalang at nakapakasama ako sa recon. Medyo kabisado ko ang daanan. Kahit ibang-iba ang naaranasan noong recon kumpara sa race day. Sinasabayan ko rin ang pacing ni sir Ari ng Snail Runners Alabang.

Naririnig ko ang lagaslas ng ilog, tawanan ng mga runners. Pangalawang river crossing. AS2. Natanaw ko na ang idol kong si Kuneho. Nakabuhay ang makita ang idol sa mga takbuhan. Kaso nagmarshal si sir Marvin. Pinanindigan ang linya n’yang Kapag marshal mapagmahal. Uminom lang ako ng kaunting tubig. Tampisaw ng mga talampakan at binti sa ilog. Pagpag ng putik. Solb! Recovered na ulit. Hataw na naman sa mga paakyat at lakad sa pababa. Paulit-ulit. Ilang akyat-baba natatanaw ko na ang grotto. AS3. May photographer. Paakyat. Hataw. Lakas-lakasan. Rutang-ina raw sabi ni Joma Sison.

11870756_10204737262016371_2865988194711726122_n

© Joma Sison

Salamat sa litrato sir!

Nagrefill muna ako ng tubig dahil assault ang kasunod. Aksayado sa pawis. Siguradong ubusan ng tubig.

Dalawang maliliit na river crossings ang nadaanan at pakanan na kami papuntang semi assault. Ay hindi pala semi assault. Mahirap eh. May malaking arrow marker ang nakadikit sa puno ng niyog. Yung grupo namin may nakitang dumerechong isang runner. Di yata nakita ang malaking marker. Tinawag namin kaso di yata kami narinig kaya hinabol nung isa naming kasama. Dahan-dahan naming binabaybay ang daanan paakyat. Di gaanong madulas at di rin malalim ang putik. Ang kaso lang paunti-unting dumidikit ang tuhod ko sa aking dibdib bawat hakbang. Hingal-kabayo na pero tuloy lang basta huwag huminto. Dito ko na naabutan si ma’am Twila. Nawala ang hingal at pagod ko hahaha. Mga puno at talahiban pa ang dinaanan at maraming buntong-hininga bago marating ang kubo. AS4. Hydrate. Refill. Lakad! Medyo tuyo ang bahaging yun papuntang summit. Matibay ang kapit ng talampakan. Hataw. Iniisip ko na kaagad na maging maayos ang pabalik dahil hindi madulas. May mangilan-ngilang runners na ang pabalik ang aking nakasalubong. Si sir Ravi pabalik na rin. Ang bilis talaga pati si ma’am Seannah. Parami na nang parami ang mga pabalik. Dito ko na naabutan ang kaibigan, butihing photographer at runner, si Eric Tipon. Syempre hindi mawawala ang litratuhan.

11863207_1649608151944399_740047259756323661_n

@Eric Tipon

Takbo ulit hanggang naaubatan ang isa ring kaibigan. Ang seksing si ma’am Del ng Team aRUNkada. Photographer ulit sya. Picture time ulit.

11828558_1648875012017713_4830630218745750322_n

© Del Villanueva

Kaso bago dumating sa kawayanan, may bahaging pababa, nagmadali ako. Nagkamali ng apak. Plakda! Lingon sa likod. Walang tao. Bangon.

SUMMIT!

Pagkatapos ng ilan pang minutong lakad-takbo, narating ko rin ang summit. Ang saya sa pakiramdam. Sa sobrang saya, nakalimutan kong may mahigit sampung kilometro pa akong bubunuin pabalik. Nagpahinga muna ng ilan pang minuto. Kain. Hydrate. Pahinga. Picture!

11838665_10153323479034902_2818449540366434141_o

Nang medyo dumarami na ang runners sa tuktok, nagpasya na akong bumaba. Dahan-dahan. Lakad. Dausdos. Napepressure ako sa mga kasunod kong runners kaya pinauna ko na sila. Gumilid ako. May dalawang nag-overtake. Nagkamali ng apak yung isang runner. Slow motion ang nangyari. Bumagsak s’ya una ang balik. Na-twist yata ang balikat pero naging ok rin naman s’ya maya-maya.

11880615_1649694481935766_908045992398636663_n

© Eric Tipon

Eksaktong dumating ako sa bahaging may kawayanan, tadaaaaaannnnnnnnnn. ULAAAAAAAAANNNNNNNNNN. Bumuhos ang malakas na ulan. Naloko na. Nung umpisa ayus pa dahil walang dulas dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan. Nang tumigil at patuloy naman ang dagsa ng mga runners pakyat dumudulas ulit ang daanan. Sira ang diskarte pababa. Walang kapit ang talampakan. Napagod na ang bawat daliri ng aking paa. Mahaba-haba pa ang bubunuin kaya nangangamba ako. Buti nalang at nariyan ang ating mga kaibigan na nagpapalakas ng loob kapag nakakasalubong. Sir Mervin ng Team Asar-Run, Sir Noel ng Takbo Kabitenyo at sir Dinoji. Marami rin akong nakitang nagyapak na lang din. Na sa palagay ko ay maling desisyon dahil mas madali sa mga nakasapatos ang bahaging yun pa-summit.

Patuloy ang lakad, gapag at dausdos. Pagdating sa AS5, magrerefill sana ako kaso wala ng tubig. Pero ayus lang may natitira pa naman sa bote ko. Kaya pang makarating sa susunod na AS. Nang biglang bumuhos ulit ang malakas at matagal na ulan. Lahat ng pababa ipinagdadasal ko na sana paakyat nalang. Lahat ng talahib at puno na aking nakapitan ay pinagpapasalamatan. Nag-umpisa na akong pinanghihinaan ng loob nang parami na nang parami ang mga runners na lumalagpas sa akin. Walang katapusang pababa. Pero hindi ako humuhinto. Kahit mabagal basta tuloy-tuloy lang. Hanggang sa marating ko ang ilog na mayroon nagkikisigan at naggagandahang lalaking kaibigan wahahaha. Sumigaw agad ang isa, Rock n’ Roll…… To the world!!!!!! Si Harmon at si Xian ang humahawak sa mga kamay ng magagandang runners este umaalalay sa mga runners na tumatawid ng ilog. Saludo sa inyong dalawa sa pagkarga dun sa pinulikat na runner. Calling yata talaga ni Xian yung ganun. Pangalawang beses na nyang ginawa yun. hahaha.

Nakabalik na ako sa grotto. AS6. Maraming pagkain. Maraming tubig. Piyesta. Last 7km. Naabutan na ako ni sir Jay-ar. Kaunting kwentuhan habang naglalakad. At nauna na sya. Sabi ko susunod nalang ako. Wala nang gaanong solid na pakyat at pababa rito. Pero sobrang dulas at may mangilan-ngilang matutulis na bato kaya ibayong pag-iingat. Ganun pa rin ang atake, lakad kapag pababa at takbo naman kapag paakyat. Hanggang sa makarating sa AS7. Ilog. Banlaw. Kunyari malakas pa rin dahil naroon ang Kuneho. Inom. Kain. Refill. Ang dami palang nakahilerang sapatos sa gilid ng ilog. Manghihiram sana ako.

Medyo nakabawi na ako ng lakas. Pati ang mga daliri ko sa paa nakarecover na. Pwede na ulit tumakbo nang tuloy-tuloy ngunit maingat. Lalo pang nanumbalik ang lakas nang inabutan ako ng jelly ace ni Arnold ng Running Divas/Takbo Kabitenyo. Maraming salamat po. Nahabol ko na rin si sir Jay-ar. Lakad-takbo. Paulit-ulit. May bahagi na bigla kong naalala noong nagrecon. Kaya huminto ako at kinuhanan ng litrato.

11879001_10153325913144902_5244007658348279927_o

Race Day

11703251_10153277230279902_3905109148356447747_o

Recon

Balik lakad-takbo na naman hanggang maabutan ko ulit sila sir Jay-ar at ang dalawang pang runners. Malapit na malapit na sa finish line. Isang kilometro nalang. Ang kaso mayroon pa akong inaalala. Yung huling 500 meters. Matatalas na aspalto. Paano na? Malambot ang kalyo. Unang apak ko palang, damang-dama ko na. Derecho sa utak. Dagdagan pa ng mga maliliit na bato. Pero kailangan tiisin. Inaaliw ko nalang ang aking sarili sa paulit-ulit na pagbanggit ng “Mas masakit pa ang mabigo kaysa rito”. Narinig yata ako ng langit. Bumuhos ulit ang malakas na ulan. Tapos may photographer, si sir Road Man. Nakita ko rin ang ilang miyembro ng Snail Runners na nag-aabang at sa di kalayuan nakasalubong ko naman si Doc Ronel na may dalang lugaw. Lalo ako nasabik makarating sa finish line.

10968336_1644807085758960_1052309291768914265_n

© RoadMan

F.I.N.I.S.H.  L.I.N.E.!!!!!

Pagkatapos ng mahigit limang oras, nakarating ako sa finish line. Hindi naman masyadong wasak. Sakto lang.

Muli, tunay ngang nakapagpapakumbaba ang kabundukan. Pero higit ang nagagawa ng mga daanan patungo at paalis ng kabundukan. Pinalawak nang maraming beses ng Mt. Marami ang aking isipan.

11873510_667024973434083_5284764562431341257_n

Credit to the Photographer

Maraming salamat sa Panginoon sa ligtas na pagtakbo. Salamat kay kumander. Salamat kay sir Francis sa sasakyan at pagmamaneho. May utang ako sa ‘yo sir. Maraming salamat po. Salamat sir Ravi at sir Jay-ar. Salamat New Era.

#Km6.16

#ASAR-RUN

#SnailRunnersAlabang

#TeamTRY

Affinitea Raise D’ Roof – The KABAG Report

Higit sa medalya at lalong higit rin sa finished times at finish line.

July 5, 2015.

Inililipad-lipad ng hangin ang trapal ng sinasakyan kong jeep na nagyayaya sa marahang buhos ng ulan na pumasok sa loob at maglampungan habang malakas na ipinatugtog ng tsuper ang Black is Black ng Los Bravos. Nakadadagdag ito sa lamig at antok na nararamdaman.

Pamumundok ang nakaschedule sana sa weekend na ‘yon pero hindi natuloy dahil hindi gaanong kongkreto ang plano. At Huwebes nagtanong sa akin si Hailey kung libre ba ako sa sa Linggo dahil meron daw syang 16km racekit sa Affinitea Raise D’ Roof. Ayun, standby muna ako at naghihintay ng abiso. Pagdating ng Biyernes may update si Hailey na sure na raw ang kit. Sigurado na rin na makakadagdag mileage para sa Milo. Biyernes ng gabi naman nagtext ang kapatid ko na mag-o-overnight daw sila ni mama sa bahay. Kaya ayun medyo kapos ako sa tulog dahil nangungulit si bunso makipaglaro sa kanyang Tita at Lola. 12:30 a.m. na ako nakatulog at nakaset ng 2:30 a.m. ang alarm.

Nagising akong bahagyang masakit ang ulo kaya inabot pa ako ng sampung minutos bago bumangon. Pero nawala rin naman kaagad ang sakit ng ulo nang makaligo. Nang maihanda ko na lahat ng kailangang gamit ay lumarga na ako. Basa pa ang kalsada nang lumabas ako. Bakas ng katatapos lamang na ulan. Medyo mahirap mag-abang ng jeep na byaheng Baclaran-Coastal kapag ganong oras kaya hindi na ako nagtaka nang inabot ako ng 15 minuto sa paghihintay.

3:50 a.m.

Sa wakas nakasakay na ako. May maikling panahon pa upang makapaghanda sa 4:45 na gun start ng 16km. Dalawa lang kaming pasahero ng jeep kaya bawat kanto mula BF Almanza hanggang Casimiro ay hinihintuan ni manong kaso wala. Walang nadagdag. Kaya nagpasya syang palipatin kami sa ibang jeep. Kung mamalasin ka nga naman. Inabot pa ng limang minuto bago ako nakasakay ulit. Marami-rami ang sakay ng jeep. Ayus. Grupo ng kabataan na mukhang kagagaling lang sa party-party dahil amoy alak at yosi pa. Pagdating ng Coastal Road, umambon nang kaunti. At unti-unti ring lumalakas habang binabagtas ang kahabaan ng kalsada.

4:10 a.m.

Dumating na ako sa Baclaran. Nagtext ako kay Hailey kung naroon na sila sa venue (Obvious naman dahil 21km sila). Nakasakay na ako ng FX nang magreply s’ya. 21km daw sana ako kung aabot.

4:22 a.m

Nakarating na ako sa CCP. Takbo na ang ginawa ko kaya nakarating kaagad ako sa venue. Mag-uumpisa palang ang warm up na ni-lead ni Coach Mherls nang dumating ako. Nagtext ako kay Hailey na nasa starting line na ako. Sakto namang andun si sir Nath Gorospe ng Team ASAR-Run na isa sa mga magko-cover ng event kaya picture muna :). Pagkatapos ng picture derecho na sa booth ng Earbudz Production para madaling magkahagilapan pero sa malaking Pocari Balloon kami nagkita ni Hailey. 21km nga ang bib na ibingay sa akin. Pero ok lang dagdag mileage din. Syempre hindi mawawala ang piktyuran. Naroon si sir Alexander -the Barefoot Guy, Si pareng Elmar at pareng Yelo. Sina sir Vhal ng Team aRUNkada, si brader Xian at miss Kath para magpicture.

Hindi ko na napansin kung anong oras eksaktong pinakawalang ang mga 21k runners dahil nagwawarm up ako nang pakawalan sila. At nairaos ang warm up kahit late ako ng 2 minutes sa gunstart. Naabutan ko na ang dulo ng 21k runners pakanan na ng Roxas Boulevard. Wala akong balak pumaspas pero napapabilis dahil malamig ang panahon at may kaunting ambon. Kumanan papuntang MBC ang ruta. Doon ko naabutan na sina Hailey at mga tropa n’ya. Si ma’am Jean Francisco rin nakakwentuhan ko saglit. Nagsosolong tumakbo ang mamaw ng Team ASAR. Binilisan ko nang kaunti at naaubutan ko si sexy ma’m Bambi na nagsabing huwag ko daw kalimutan yung anniversary namin :P. Hanggang sa nakarating ng U-turn para kumanan papuntang Macapagal kinikilig pa rin ako hahaha.

Bago makarating ng Macapagal nakita ko si Pareng Elmar nagsosolo rin tumakbo, naghahanda sa R2L2Q n’ya. Di naman nakakasindak na ang Macapagal sa mga barefoot runners di ba pareng Elmar? Sa dami ng pagkakataon na dinaanan yun, sa dami na ng event na kasama ang Macapagal nasanay na kami sa sakit na naidudulot nyan. Ang nakakasindak lang sa takbong yun, pagkatapak ko sa umpisa ng magaspang na bahagi ng kalsada, may pabalik na na runner. Pero hinarang s’ya ng marshal dahil kailangan daw umikot pa ulit para mabuo ang 21km. Teka, di naman inanunsyo. O di ko lang naabutan noong inanunsyo, yan ang mahirap kapag late. Naloko na! Gulpi de gulat. Nagdadasal na ako habang binabagtas ang Macapagal. Babalikan ko pa ‘to? Seryoso? Yun nga hindi nga biro. Babalikan pa. Pero nang nakaloop na ako ng isa, maraming runners ang dumerecho na at hindi na umikot. Huminto muna ako saglit at nag-isip kung iikot pa ba ako. Wala na ring mga nag-ga-guide na mga marshals. Tumuloy na ako ng takbo. Hindi na ako bumalik pa ng Macapagal. Pero sure ako na kapos ako ng kulang-kulang 2km sa gagawin ko.

Nasa kahabaan na ulit ako ng Roxas Boulevard nang magsusulputan na yung mga mamaw. Sure ako, umikot sila sa Macapagal ng isa o dalawa pa. Di kasi makatotohanan na nauunahan ko sila. Pag-akyat sa unang tulay (Buendia) hinataw ko na. I’m Loving The Hills ang eksena kunyari. Ayun nga, disaster ang nangyari. Nakaramdam ako ng kabag. Lingon sa kanan, lingon sa kaliwa. Bagal kaunti sabay utot. Sa pangalawang tulay (EDSA) hindi ko na hinataw pa, tamang pace lang. Baka matae na ako. Hingang malalim. Punong-puno pa rin ng hangin ang tyan ko hanggang makarating ng U-turn. Pero nagulat ulit ako, parang kapos ulit yung pwesto ng U-turn sa orihinal na ruta. Mas lalong naloko na! Dapat pala talaga inikot ko ulit yung Macapagal. Sa tapat ng Redemptorist Church naabutan ako ni mamaw Machael Bogtong. Sumabay ako saglit sa kanya hanggang sa tuktok ng EDSA flyover. Medyo mabilis ang pace kaya umatake na naman si kabag. Para hindi nakakahiya pinauna ko na s’ya kahit alam kong mauuna naman talaga s’ya dahil sa bilis n’yang tumakbo.

Mahaba-habang takbuhan pa hanggang Kilometer Zero kaya namomroblema ako kung paano ko mairaos ang kabag. Di ko na alam kung sinu-sino yung mga nakaksalubong kong runners na bumati sa akin. Di ako nakakapagconcentrate eh. Hindi ko rin kaagad napansin na andun si miss Kath nagpipicture. Si Sir Harmon lang nakita ko dahil sa neon green nyang tech shirt hahaha. Hindi ko na inaangat masyado ang mga talampakan ko. Binibilang ko na ang bawat hakbang. Pinapakinggan ang bagsak ng kaliwang talampakan kapag lumalapag sa kalsada sabay exhale. Sa ganung paraan nakalimutan ko ang nararamdaman ko ng mga oras na yon hanggang makarating ng Kilometer Zero. Doon nakapwesto si Xian bilang litratista na mukang nakaraming picture na :P.

Noong pabalik na ako, lumingon ako sa kinalalagyan ni Pepe. Alam kong nasa tamang pag-iisip na ako ng mga oras na yun. Wala na ang kabag. Habang nakalingon sa pwesto ni Pepe inaaninag ko rin kung saang anggulo ba dapat magpapicture upang hindi makita ang TDM. Kaso wala. Walang anggulo na hindi sya pwedeng maisama sa frame. Kailangan ng Photoshop talaga para matanggal. O maari rin yung nais ipanukala ng matalinong Kongresista ng Maynila, ang paikutan nalang ang kinatitirikan ng bantayog ni Pepe. Pero mas madali ang magphotoshop.

Dahil magaan na ang pakiramdam, binilisan ko na nang kaunti yung pace hanggang makarating ng CCP. Babalik pa ulit papuntang south ang ruta. Pero hindi ko alam kung hanggang saan. Kaya takbo lang nang takbo. Nang malapit na ako sa paanan ng Buendia flyover, natatanaw kong may mga marshals at doon nga pinapaikot ang mga runners. May iilang runners akong nakasalubong, ang sabi sa amin “Huwag na kayong dumerecho dun, wala namang timing chip”. Medyo nademonyo ako nang kaunti. Ayoko na sana umakyat pa ng flyover. Buti may kumatok sa utak ko. Naisip ko, sayang din mileage kung di pa ako aakyat. Ang lapit nalang eh. Saka paakyat yun, makakatulong sa lakas. Saka isa pa di na nga ako umikot sa Macapagal bibitinin ko pa bang lalo yung takbo ko? Sayang naman.

Dumerecho na ako at nag U-turn kung saan nakatayo ang marshal. May guhit pa syang itinuro pero lumagpas ako nang kaunti pa mga 1 meter :P. Tiningnan ko yung orasan ko, kapos na kapos nga ang itinakbo ko. Tanchado ko na yung oras sa ganung pace. Dapat 2:30 ako makakarating ng finish line pero mga 800 meters or less na lang yata 2:02 palang yung nasa orasan ko. At ayun na nga nakarating ako sa finish line nang walang kabag sa oras na 2:07 ayun sa official result. Kulang-kulang 2.5km ang kapos ng itinakbo ko siguro base sa natitirang oras.

Sa huli naman, yung maraming natulungan ang mahalaga sa takbong yun. Yung ipinangbayad sa bib na ipinatakbo sa akin may nakikinabang naman. Salamat Hailey. Saka nairaos ko nang maayos ang kabag na naramdaman habang tumatakbo.

11707508_419609111497209_6557308862980153339_n

Litratong kuha ni sir Bobin ng Team PAR

11725353_972654509442818_1556736420_o

Litratong kuha ni Ms. Kath Ocampo

frontRunner Valley Trail Challenge 2015 – Ang Dinanas

June 28, 2015, isang taon makalipas ang masasabi kong pinakamasakit na karerang aking naranasan sa loob ng mahigit tatlong taon kong pagtatatakbo ay muli kong sinubukan ang kahibangan. Di ko na naman alam kung bakit parati kong sinusukat kung hanggang saan ang limitasyon ng kakayahan ko bilang tao. Sadyang may tagumpay pagkatapos ng paghihirap. Matamis na tagumpay.

 

Alas dose pa lang ng hatinggabi ay naroon na ako kasama ang dalawang miyembro ng Snail Runners Alabang na si sir Jeff at sir Sherwin (maraming salamat sir). Sumabay na ako sa kanila kahit sa 50km category sila pareho dahil hindi ko alam kung papaano pumunta sa Nuvali kapag madaling araw. Sa madaling salita, doon na ako natulog (O mas magandang sabihin na umidlip) habang naghihintay ng gun start ng 15km category. Ngayong taon mas pinili kong tumakbo sa mas mababang kategorya kumpara noong isang taon, una, dahil ako lang sa grupo ang sumali at pangalawa, ayaw ko nang danasin ang dinanas ko noong nakaraang taon. Kahit pa nakailang road ultra marathon ako sa loob ng isang taon. Kahit pa pinaghandaan ko ngayon ang sasalihang trail run. Walang kumpyansa sa sarili? Hindi. Nirerespeto ko lang ang kayang ibigay sa akin ng trail at ang distansya. One small trail at a time. One happy trail at a time. Makakarating din ako sa malayuan.

 

4:40 a.m., Race briefing. Medyo kinakabahan na ako. Hindi na mapakali. Lingon dito, lingon doon. May mangilan-ngilang pamilyar na mukhang nakita. Pero wala akong nakitang Barefoot runner sa 15km kaya lalo akong kinabahan. Si miss Ja Antenor may sapatos, nadagdagan pang lalo ang naramdamang kaba. Unat-unat, nagbakasaling maibsan ang kaba pero wala pa rin hanggang sa matapos ang briefing.

 

5:00 a.m., Gunstart. Sa likod ako pumwesto -isang maling desisyon kapag trail event. Kabado man, lumarga pa rin. Nagkaroon na lang ako ng kumpansya nang makita ko ang madamong bahagi pagkatapos ng sementadong kalsada. Pumaspas na ako at biglang bagal. Mahirap mag-overtake, makipot ang trail. Hanap lang ng tyempo. Nakakahiya minsan magsabi ng makikiraan po nang paulit-ulit pero mababait naman ang mga kasali. Mapagbigay silang lahat. Kailangan lang magpasalamat. Hataw ulit hanggang maabutan ko yung isa sa mga pulis na nasa unahan noong gunstart. Hiwa-hiwalay na sila. Nakapag-adjust na ako. Nahahabol ko na sila paisa-isa. Nagkaroon ulit ng traffic nang dumating sa may parang arko. Doon ko naabutan yung dalawang babae na miyembro ng Run 365ph. Sila na ang sinusundan ko dahil consistent ang pacing nila pero bumagal ulit kami nang maabutan namin yung isang kumpol ng runners. Bumawi lang ako ng hangin at naghintay ng pagkakataon para maka-overtake. Nang magkaroon ng pagkakataon, umuna na ako. Pero pagdating sa sementadong bahagi ng ruta bumagal ako upang bumawi ng hangin. Dito rin ako nakaramdam ng kaunting pulikat sa kanang binti. Nilagpasan na ako ng dalawang babae ng run 365ph hanggang makarating sa AS1, km3. Nahabol ko lang sila nung nasa trail na ulit. Walang nang pananakit sa kanang binti. Hataw at overtake ulit hanggang marating ko yung dulo ng pangalawang trail. Medyo pamilyar ang sumunod na trail. Yun yung dinaanan last year kaya alam kong mabatong kalsada ang kasunod kaya humataw na ako para pumundo. Halos kalagitnaan ng trail nakasalubong ko na yung leading. At ayun sunod-sunod na sila after 2 minutes. Nakakadagdag ng excitement.

 

Narating ko na yung inaasahan kong mabatong bahagi pero nagulat ako dahil wala nang gaanong bato masarap na itong apakan. Dito ko nakasalubong si mamaw Seanna. Kaya hataw pa rin. Hanggang marating ko na ang U-turn ng 15km. Magagaan at pabiglang hakbang ang ginawa ko para hindi mabugbog ang talampakan. Pabalik na ako kabisado na ang ruta. Hataw hataw at hataw pa. Paraiso talaga sa talampakan ang lambot ng lupa sa trail kahit may mangilan-ngilang bato at kung anu-anong elemento.

 

Lumabas sa trail. Tumawid sa kalsada at pasok ulit sa trail. Labas-pasok. Natatawa ako nang maisip ko ito habang tumatakbo.

 

Nag-maintain ako ng pacing inisip ko sana hindi pa ako maabutan nung dalawang member ng Run 365ph, kaso paglingon ko nasa likuran ko na sila. kaya napilitan akong paspasan nang kaunti hanggang dumating ulit dun sa sementadong kalsada. Grabe ang lakas nila. ganun pa rin naman ang pacing. At wala silang dalang kahit anong hydration bottle. O baka di ko lang napansin. Mararating na namin ang AS1 ulit nang mag-overtake na sila. Di na ako nakapagpigil, nagsalita na ako bilang compliment sa lakas nila. Mam, ang lalakas n’yo po. Nakakapawi rin ng pagod yung ngiti nila :). Salamat mam.

 

Pagdating sa AS1, km12, di man lang sila tumigil. Tuluy-tuloy pa rin. Doon na lumaki agwat nila sa akin. Ang bigat-bigat ng paa ko sa sementadong parte na yun. Pagpasok ko ng last trail hataw ulit. Nakikita ko si Seanna pero malayo-layo pa. At nilamon na sya ng mga talahib, hindi ko na na sya nakita. Pero paulit-ulit kong sinasabi sa isipan “Maabutan ko si Seanna, maabutan ko” para hindi magbago ang pacing at upang hindi rin maramdaman ang pagod ng mga binti. Bago matapos ang huling trail natanaw ko ulit si Seannah, malapit na malapit na. Binilisan ko nang kaunti. Naabutan ko nga s’ya mga 200 meters na lang yata sa finish line. Natanggal ang pagod nang makita ko yung finish line. Tiyak uulitin ko ito sasusunod na taon.

 

June 28, 2015, isang taon makalipas ang masasabi kong pinakamasakit na karerang aking naranasan sa loob ng mahigit tatlong taon kong pagtatatakbo ay muli kong natapos ang kahibangan. Hindi ko pa rin alam kung bakit ko sinusukat kung hanggang saan ang limitasyon ng kakayahan ko bilang tao. May tagumpay pagkatapos ng paghihirap. Napakatamis na tagumpay.

 

Maraming salamat frontRunner at sir Jonel Mendoza at sa lahat ng marshals. Salamat Snail Runners Alabang, Team ASAR-RUN, Team TRY at syempre KM6.16. Maraming salamat kay kumander at higit lalo sa nasa Itaas, salamat Ama.

11709405_940249212703774_1197068109015229905_n

© Rai Cabanig